Salamat sa munting tinig…

Hindi ko alam kung papalakpak ba ako o lulundag sa tuwa ng sa wakas ay marinig kitang magsalita…

Hindi ko maipaliwanag ang kagalakang bumalot sa aking diwa at pagkatao…

Sana’y hindi mo nahalata ang pangingilid ng aking mga luha  habang pinapakinggan kong mahina mong binibigkas ang ilang mga salita bilang pagtugon sa ilan kong mga katanungan…

Natutuwa akong sa wakas ay nabatid kong nakakapagsalita ka palang talaga. Akala ko kasi noon ay talagang likas na sa iyo ang di pag-imik sa tuwing mayroon tayong talakayan sa klasrum.

Hindi ako naniniwalang hirap o hindi ka marunong magbasa sapagkat sa ating mga pagtataya ay nakakakuha ka ng mataas na marka… Marahil ay nahihiya ka lang… at ang iyong pagiging mahiyain ay dumating na sa kasukdulan na mas ninais mong magsawalang-kibo kaysa ibahagi ang ideyang ginusto mong ikulong na lang sa iyong diwa.

Natatandaan mo pa ba noong nasa unang taon ka pa lamang? Pinilit kong marinig ang iyong tinig ng atasan kitang basahin ang ilang talatang nakasulat sa pisara. Nais ko sanang makipagmatigasan sa iyo… Ayokong pagbigyan ka sana sa iyong kagustuhan na maupo na lamang at ipagsawalang bahala ang isang payak na gawain. Ngunit nakita ko ang pagpatak ng luha sa iyong mga mata. Nalungkot ako at nasaktan… Sa isang banda, natakot akong isipin mo na ako ay isang kontrabida, isang kaaway na ang tanging motibo ay nakawin sa iyo ang iyong karapatan sa pananahimik.

Ang larawang ito ay mula sa kawing na ito http://thetalithakoumpromise.wordpress.com/2010/05/03/a-heart-for-justice/

Mula noon, isa ka sa mga naging pangarap ko… Sa tuwing naghaharap tayo sa loob ng ating klase at nagtatama ang ating mga paningin, pinangarap kong marinig ka. Madaming beses din akong nagtangka… Kami ng iyong mga guro at ng iyong mga kamag-aral maging  mga kaibigan ay hindi kailanman sumuko sa pagnanais na mapakinggan ka. Sa lahat ng mga pagkakataong iyon, kami ay nabigo.

Ngunit hindi nitong nakaraang araw. Sa pangalawang pagkakataon ngayong pasukan, kauna-unahang beses sa buwang ito, narinig ko ang iyong tinig… Mahina ito ngunit sapat na para mabingi ang aking kamalayan. Musika itong tila  ba humihele sa akin sa paglalakbay sa isang masayang tagpo sa aking panaginip.   Ayoko na munang magising…

Subalit hindi panaginip ang lahat. Nawa’y ramdam mo rin ang labis na galak ng iyong mga kamag-aral habang kinakausap mo ako. Nawa’y nakita mo ang kanilang pagkamangha sa  mga pagbabagong ipinapakita mo… Sa isang mag-aaral sa ikatlong taon, isang pambihirang pagkakataon na mapaligiran ka ng mga kaklase at kaibigang animo’y sabik sa iyong pagbigkas ng mga salita na tila ba isang batang natututo pa lamang magsalita… Gusto ko silang sabayan sa pagpapalakpak… Ngunit pinili kong manahimik at hindi ipakita sa iyo ang labis na galak na nadarama ko.

Isa lang ang alam ko. Natutuwa ako sa unti-unti mong paglabas sa iyong cocoon.

Nagpapasalamat ako sa iyong pagtitiwala sa akin… Higit sa lahat nais kong batiin ka sa pagpapamalas mo ng tiwala sa iyong sarili!

Mananatili kang inspirasyon sa akin. Salamat sa iyong tinig!

4 thoughts on “Salamat sa munting tinig…”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s